Tiwala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mas mapapahusay at mabibigyan ng mga bagong ideya ang panukalang batas na naglalayong lumikha ng Department of Disaster Resilience bago ito maipasa ng incoming administration ni President elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Mark Timbal, naipasa na sa kamara ang naturang panukala ngunit hindi pa tuluyang maisabatas dahil sa mainit na talakayan sa senado.
Una nang hinarang nina Sen. Franklin Drilon at Sen. Panfilo Lacson ang panukalang ito dahil sa hindi daw praktikal at wala umanong sapat na pondo.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Timbal na sanay maituloy ng papasok na Marcos administration ang pagpapatayo pa ng mas maraming evacuation center sa ibat-ibang lugar sa bansa.
Napakahalaga aniya ng mga ito upang matiyak ang kahandaan ng bansa sa anumang sakuna o kalamidad.
Samantala, inalerto na rin ni Timbal ang lahat ng lokal na pamahalaan sa buong bansa upang mapaghandaan ang inaasahang pagpasok ng mga bagyo ngayong panahon ng tag-ulan.