Nagsimula na umanong mag-impake ng personal na gamit si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malakanyang bilang preparasyon sa pagbabalik sa Davao City.
Ito’y sa gitna nang napapalapit na pagtatapos ng termino ng pangulo sa Hunyo 30.
Ayon kay Senador Christopher “Bong” Go, nagsisimula nangmagligpit ng mga gamit si Pangulong Duterte upang dalhin pauwi sa kanilang bahay sa naturang lungsod.
Doon na anya mananatili ang punong ehekutibo sa kanyang retirement bilang private citizen kapiling ang kanyang pamilya sa oras na matapos ang termino sa Hunyo 30.
Bagaman aminado ang senador na nakalulungkot na patapos na ang termino ng pangulo, masaya na rin ang siya dahil makapagpapahinga na rin ito matapos ang halos anim na taon sa panunungkulan.
Nito lamang Sabado ay namataan sina Pangulong Duterte at Senator Go na nagmo-motorsiklo at nag-ikot sa Davao.