Hindi pa matukoy ng Pasig City Police ang dahilan nang pagkasawi ng walong-taong gulang na lalaki sa Pasig City matapos bugbugin ng kaniyang ina at amain.
Ayon kay Pasig City Police Chief, Colonel Roman Arugay, isinailalim pa sa autopsy ang labi ng bata na nagkaroon ng Hematoma o pamumuo ng dugo sa kaniyang binti at braso.
Naaresto na rin ang amain ng biktima na si Germarc Villadolid, 39 anyos at ina nitong si Kimberly, 29 anyos na pawang Call Center Agents at nakatira sa Urban Deca Homes.
Nahaharap sila sa kasong Homicide at Parricide in Relation to Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Pinarusahan umano ng mga magulang ang biktima dahil hindi pa ito natutulog mag-a-alas tres na ng hapon noong Biyernes.
Pinag-squat ito nang maraming beses at nang hindi nakayanan ay maka-ilang ulit pinalo ng tsinelas hanggang mawalan ng malay.
Isinugod pa ang bata sa Mission Hospital pero idineklarang patay alas-3:51 ng hapon.