Naniniwala si Senador Sherwin Gatchalian na mataaas ang magiging kumpiyansa ng business sector sa Economic Team ng susunod na administrasyon.
Ito ayon kay Gatchalian ay dahil kilala na ng business sector ang magiging miyembro ng Economic Team ni President Elect Ferdinand Bongbong Marcos at pamilyar ang kanilang direksyon para sa ekonomiya at pananalapi bilang mga naging bahagi na ng mga dating administrasyon.
Una nang sinabi ni BBM na kaniyang napili si Bangko Sentral Governor Benjamin Diokno bilang kalihim ng Department of Finance kung saan unang naging Budget Secretary si Diokno ng Duterte at Estrada administrations.
Itatalaga naman si Secretary Arsenio Balisacan sa NEDA at ito rin ang puwesto ng opisyal noong Aquino administration samantalang inappoint naman bilang Bangko Sentral Governor si dating Secretary Felipe Medalla na naging kalihim ng NEDA nung Estrada administration.
Magiging kalihim naman ng DPWH si San Miguel Tollways Corporation Chief Executive Manuel Bonoan na DPWH official na sa Ramos, Estrada at Arroyo administrations
Binigyang diin ni Gatchalian na kailangan ng certainty at continuity sa mga polisiya sa ekonomiya ngayong nahaharap ang bansa sa pandemya, krisis sa Ukraine, mataas na presyo ng petrolyo at mga bilihin.
Tiyak naman ni Gatchalian na madaling makakalusot sa Commission on Appointments ang mga itatalaga sa Marcos administration na mayruong mahusay na track record. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)