Isiniwalat ni COMELEC Commissioner George Garcia na malaking halaga ng pera ang i-winidraw sa Ilocos Sur, batay sa vote buying report ng Anti-Money Laundering Council.
Inihayag ito ni Garcia sa pagdinig ng Senate Electoral Reforms Committee hinggil sa mga reklamong natanggap ng poll body sa umano’y pamimili ng boto noong May 9 elections.
Gayunman, hindi idinetalye ng poll official kung gaano kalaking halaga ng pera ang winidraw sa Ilocos Sur.
Sa kalagitnaan ng pagdinig ay nagbiro pa si Senador Imee Marcos, chairperson ng nasabing kumite at dating Ilocos Norte Governor, sa pagsasabing hindi siya ang nag-withdraw at kapit-bahay lamang nila ang Ilocos Sur.
Samantala, nasa 940 sumbong anya ang natanggap ng “task force kontra bigay” sa kanilang facebook page habang 171 sa e-mail at 105 mula sa kanilang law department.
Ipinanukala naman ni COMELEC Chairman Saidamen Pangarungan ang mas mabigat na multa laban sa mapapatunayang guilty sa vote buying, bagay na sinang-ayunan ng senadora.