Binalaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ride-hailing companies laban sa sobrang paniningil sa kanilang mga pasahero na hindi tugma sa fare structure para sa transport network vehicles na itinakda ng board.
Ito’y makaraang makatanggap ng ulat ang LTFRB na naniningil ang transport network company na joyride sa mga pasahero ng 1,000 peso ‘priority boarding fee’ para sa one-way trip.
Tiniyak naman ng board na kanilang iniimbestigahan ang nasabing alegasyon.
Sa ilalim ng Memorandum Circular 2019-036, ang flagdown rate para sa sedan-type Technology- and app-based transport network vehicle service (TNVS) ay 40 pesos, na may 15 pesos sa kada kilometrong pamasahe at 2 pesos kada minutong travel fare.
Para sa mga premium AUV at SUV, ang flagdown rate ay nasa 50 na may 18 pesos sa kada kilometrong pamasahe at 2 pesos sa kada minutong travel fare.
Ang hatchback o sub-compact type TNVS ay mayroong 30 peso flagdown rate na may 13 pesos sa kada kilometrong fare rate at 2 pesos sa kada minutong travel fare.
Samantala, plano naman ng LTFRB na mag-deploy ng mystery passenger sa mga susunod na araw upang alamin kung sumusunod ang mga operator sa kanilang utos at sinumang mahuhuling lumalabag ay pagmumultahin.