Tiniyak ng Department of Health (DOH) sa publiko na maliit o walang tiyansang makapasok sa pilipinas ang Crimean-Congo Hemorrhagic Fever (CCHF) na maaaring magdulot ng pagdurugo hanggang kamatayan.
Ayon sa DOH, karaniwang sintomas ng CCHF ang lagnat, pananakit ng kalamnan, pagkahilo, pananakit at paninigas ng leeg, pananakit ng likod, sakit ng ulo, sore eyes, sensitivity sa liwanag, pagduduwal, pagsusuka, pagtatae, pananakit ng tiyan at lalamunan.
Nilinaw ng kagawaran na endemic sa Africa, Balkan States, Middle East at Ilang Northern Asian countries ang nasabing sakit.
Karaniwang nakukuha sa pamamagitan ng kagat ng garapata o pakikipag-ugnayan sa mga nahawaang dugo, tissue at likido ng hayop ang CCHF o tinatawag ding nose-bleed fever.
Samantala, base sa pinakahuling ulat mula sa World Health Organization (WHO) ay umabot na sa 97 ang kumpirmadong kaso ng CCHF sa iraq kabilang ang 27 nasawi.
Gayunman, hindi inirerekomenda ng WHO ang anumang restrictions o paghihigpit patungo o palabas maging ang pakikipagkalakalan sa Iraq.