Pinaiigting ngayon ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang seguridad sa kanilang buong linya.
Ito ay alinsunod sa inilabas na anunsiyo ng office for transportation security na siguruhing istriktong naipatutupad ang security plan ng mga transport operators sa bansa matapos maiulat ang ilang insidente sa Mindanao.
Sa ngayon ay sumasailalim sa masusing baggage checking, inspection at control ng mga ipinagbabawal na kagamitan ang lahat ng mga pasahero at kawani bago makapasok sa loob ng mga istasyon.
Ilan sa mga ipinagbabawal ay ang pagpasok ng anumang uri ng armas, gayundin ang patalim o kahit anong matutulis at nakakahiwa na mga bagay; explosives and incendiary substances; flammable o madaling magliyab at nakalalason na mga gas at kemikal; at mga mapanganib na kagamitan at kemikal gaya ng mga pesticides, muriatic acid, liquid hydrogen, at iba pa.
Samantala, hiningi naman ng pamunuan ang kooperasyon ng mga pasahero na agad ipaalam sa mga security personnel at marshal sakaling may mamataan na anumang kahina-hinalang bagay sa loob ng mga istasyon.