Inihayag ni Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go na patuloy pa rin niyang itutulak ang batas na magbabalik sa death penalty sa paparating na Kongreso sa ilalim ng bagong administrasyon.
Ayon kay Go, muli siyang maghahain ng Senate bill na maglalayong ibalik ang parusang kamatayan para sa mga heinous crimes kasama ang ilegal na droga at pandarambong.
Paliwanag ni Go, wala kasing patutunguhan ang tagumpay ng adminitrasyong Duterte kung mamamayapag muli ang ilegal na droga sa bansa na siya raw pangunahing dahilan ng mga krimen.
Aniya, dapat daw ituloy ng susunod na administrasyon ang paglaban sa droga, kriminalidad at korapsyon sa gobyerno na kampanya noon ni Pangulong Duterte.
Giit ni Go, dapat na mapigilan ang mga krimeng ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mas mahigpit na parusa gaya ng bitay.
Dahil dito, umaasa ang senador na susuportahan ng mga kapwa niya mambabatas sa Senado at Kongreso ang kaniyang panukala.