Patay ang 49 habang sugatan naman ang halos 300 indibidwal sa dalawang araw na sunog sa Port City ng Southeastern Bangladesh.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, nagsimula ang sunog sa isang cargo depot na sinundan ng sunud-sunod na pagsabog kung saan, kasama sa mga nasawi ang siyam na firefighters.
Ayon kay Brig. Gen. Main Uddin, director general ng Bangladesh Fire Service and Civil Defense, kumalat ang pagsabog sa lugar dahilan para madamay ang ilang mga gusali, apat na kilometro ang layo mula sa pinangyarihang insidente.
Bukod pa dito, natupok din ng apoy ang milyun-milyong dolyar ng mga garment products o mga damit na itinago sa isang container depot.
Nagpapagaling na ang mga sugatang indibidwal habang patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad kung ano ang dahilan ng sunog at pagsabog sa nabanggit na lugar.