Sinimulan na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) – Region 10, katuwang ang 4th infantry division ng army, ang preparasyon sa pinalawak na housing community para sa Indigenous Peoples (IP) sa Northern Mindanao.
Nakipagpulong na si DHSUD – 10 director Ariel Abragan kay 4th ID Commander, Maj. Gen. Wilbur Mamawag upang talakayin kung paano magiging pangunahing proyekto sa ilalim ng peace building sa mga liblib na lugar ang pagtatayo ng mas maraming komunidad sa rehiyon.
Ayon kay Abragan, pupunan ng nasabing proyekto ang puwang sa matagal nang kampanya kontra insurgency.
Sa pamamagitan anya ng pagbibigay ng basic shelter sa indigenous communities, isang hakbang na lamang ang pamahalaan upang tuldukan ang mga matagal ng problema sa Mindanao.
Bilang bahagi ng community service programs, nagsagawa ang 4th ID ng non-combat outreach sa grassroots level katuwang ang iba pang government agencies, bilang parte ng whole-of-government approach.
Alinsunod ito sa Executive Order 70 at nilikhang task force to end local communist armed conflict.
Taong 2019 nang simulan ng National Housing Authority ang konstruksyon ng IP Village sa Sitio Eva, Balingasag, Misamis Oriental para sa mga katutubong Higaonon, kung saan 100 bahay na nagkakahalaga ng 20 million pesos na ang nakumpleto hanggang noong 2021.