Makabubuting payagan ng Department of Energy (DOE) na haluan ng mas maraming bioethanol ang gasolina at diesel para bumaba ang presyo ng mga ito.
Ito ang mungkahi ni Senate Committee on Economic Affairs Chairperson Imee Marcos habang pinagde-debatehan pa ng mga mambabatas kung sususpindehin o hindi ang Fuel Excise Tax.
Tiyak anyang makatutulong sa mga consumer ang paghahalo ng mas maraming bioethanol sa gasolina at diesel.
Nagbabala naman si Marcos na may mga kasunod pa ang big time oil price hike lalo’t hindi pa natatapos ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Sa ilalim ng Biofuels Act of 2006, ino-obliga ang mga kumpanya ng langis na maglabas ng supply ng gasolina na may halong 10% ng bioethanol.
Gayunman, maaaring magrekomenda ang National Biofuels Board na taasan pa ang ‘minimum requirement’ alinsunod sa pagpayag ng kalihim ng DOE. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)