Matapos ang halos isang taong panawagan ng mga transport group, inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pisong provisional increase sa minimum fare sa jeep.
Mula sa nwebe pesos, magiging diyes pesos na ang pasahe sa jeep at saklaw ng fare increase ang unang apat na kilometro sa mga bumibiyahe sa Metro Manila, Region 3 at Region 4-A.
Inilabas ng LTFRB ang desisyon sa gitna ng mga petisyon ng mga transport group bunsod ng walang prenong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ang mga naghain ng petisyon ang 1-United Transport Koalisyon, Pangkalahatang Sanggunian manila and Suburbs Drivers Association Nationwide (PASANG MASDA), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines at Alliance of Concerned Transport Organizations.
Inihayag ng LTFRB na batid nila ang dinaranas ng mga jeepney operator at driver na responsable sa pagtiyak na mayroong masasakyan ang mga mamamayan, lalo ang mga manggagagawa.
Nito lamang Martes, muling nagpatupad ng big time price hike ang mga kumpanya ng langis.