Tinatayang 440 billion pesos na ang nakolekta ng gobyerno sa excise tax at import duties, kabilang ang value added tax, mula sa mga oil products hanggang nitong Mayo.
Ang nasabing halaga ay nakolekta simula nang ipatupad ang fuel marking scheme noong 2019.
Sa datos ng Department of Finance (DOF) simula September 4, 2019 hanggang May 26, 2022, nasa 439.3 billion pesos na ang kabuuang duties at buwis na nakolekta ng Bureau of Customs (BOC) at excise tax na nakolekta naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa fuel imports.
Katumbas ang naturang koleksyon ng 42.104 billion liters ng marked fuel.
Ang fuel marking program ay alinsunod sa tax reform for acceleration and inclusion o train law na layuning masawata ang oil smuggling sa bansa.
Maka-ilang beses nang nanindigan ang pamahalaan na hindi nito sususpendihin ang koleksyon ng excise tax at vat sa petroleum products sa kabila ng patuloy na pagsipa ng presyo ng langis.
Iginiit ng malakanyang na nasa 117 billion pesos ang mawawalang kita kung sususpendihin ang excise tax na ginagamit upang pondohan ang mga programa at proyekto ng gobyerno.
Samantala, inihayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na kapag sinuspinde ang fuel taxes ay magreresulta ito ng mas malaking fiscal gap na posibleng magtulak sa gobyerno na mangutang nang mangutang.