Hindi pa handa ang bansa na magtanggal na ng face mask ang publiko dahil wala pang sapat na gamot, equipment o medical technique kontra COVID-19.
Ito ang inihayag ng isang infectious disease expert at government vaccine expert panel member sa gitna ng kontrobersyal na face mask policy na ipinatupad ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, head ng San Lazaro Hospital-Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine Unit, hindi pa panahon para alisin ang mandato sa pagsusuot ng face mask kahit sa outdoor area.
Kahit anya bumaba na ang mga kaso ng COVID-19, may mga parameter na dapat suriin, tulad ng vaccination rates at paglutang ng bagong variants.
Ipinunto ni Solante na ang pagkadiskubre sa mas nakahahawang Omicron subvariants B.A.4 at B.A.5 sa bansa ay nakababahala dahil may posibilidad na maabutan nito ang B.A.2.12.1.
Iginiit ni Dr. Solante na kung mayroong sapat na gamot gaya ng Paxlovid, equipment o medical technique ang gobyerno ay maaaring alisin na ang face mask.
Sa Pilipinas aniya, generic version lamang ng Paxlovid ang available na nagkakahalaga ng 8,000 hanggang 10,000 pesos per course at hindi naman ito available sa lahat ng ospital.