Sa ikalawang sunod na linggo ngayong Hunyo, muling umarangkada ang bigtime price hike ng mga kumpanya ng langis.
Ito’y bunsod ng walang prenong paggalaw ng presyo sa International market na pinalala ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Epektibo alas-12:01 kaninang hatinggabi, buena manong nagpatupad ang Caltex ng dagdag P2. 15 centavos sa kada litro ng gasolina; P4.30 centavos sa diesel habang P4.85 centavos sa kerosene o gaas.
Ala-6 naman ngayong umaga inilarga ng Shell, Petron, Phoenix Petroleum, Flying V, PTT, Seaoil, Petrogazz at Jetti ang kahalintulad na increase.
Mamayang alas-8:01 ng umaga ipatutupad din ng Cleanfuel ang dagdag-presyo maliban sa kerosene.
Dahil sa panibagong bigtime increase, maglalaro na sa P90 hanggang P95 ang kada litro ng diesel sa Metro Manila at ilang karatig lugar.
Ito na ang ika-18 beses na nagpatupad ng dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo sa bansa simula Enero ngayong taon.