Kahit ipinatupad na ang umento sa sahod sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar sa bansa, hindi pa rin sapat para sa mga manggagawa ang kanilang kinikita dahil sa mataas na bilihin bunsod narin ng mataas na presyo ng langis at patuloy na bakbakan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon sa mga manggagawa, napipilitan na silang pagkasyahin ang kanilang kita sa pambili ng bigas, ulam at gastos para sa kanilang pamasahe.
Aminado ang mga manggagawa na hirap silang dumiskarte para mapunan pang araw-araw nilang pangangailangan.
Matatandaang sa ilalim ng bagong wage order nito lamang mayo, P33 ang madaragdag sa arawang sahod ng mga minimum wage earner sa Metro Manila.
Dahil dito, nasa P570 na ang minimum wage kada araw ng mga nagtatrabaho sa non-agriculture sector, habang P533 naman sa mga manggagawa sa agriculture sector.
Samantala, iginiit naman ng mga manggagawa na kahit pa tumaas ang kanilang arawang sahod ay wala silang ligtas sa patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin sa bansa.