Dapat umanong ipagpatuloy ang pamamahagi ng subsidiya sa ilang piling sektor sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Ito ang inirekomenda ni Senate Committee on Economic Affairs Chairman Senator Imee Marcos sa bagong administrasyon na pamumunuan ng kanyang kapatid na si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon sa senadora, dapat na matutukan o bigyang pansin at tulong ang sektor ng transportasyon at agrikultura na kabilang sa mga naghihikahos dahil sa epekto ng taas-singil sa langis.
Inirekomenda din ng senadora sa kaniyang kapatid ang pakikipag-usap ng gobyerno ng Pilipinas sa mga karatig bansa sa asya para makabili ng mas murang petrolyo at pagpapatupad ng hybrid work setup para makatipid sa pamasahe ang bawat manggagawa.
Bukod pa diyan, dapat ding pag-aralan ang bioethanol component ng mga petrolyo na una nang ginagawa at ginagamit sa Amerika.