Halos dalawang buwan simula nang gumuho ang Clarin Bridge na ikinasawi ng apat katao sa bayan ng Loay, isa na namang steel bridge sa lalawigan ng Bohol ang nag-collapse, kahapon.
Isang 12-wheeler truck na kargado ng buhangin ang dumaan sa Borja Bridge sa bayan ng Catigbian dahilan upang gumuho ang tulay.
Ayon sa Catigbian Municipal Police, hindi naman nasugatan ang driver ng truck na si Nemercio Paredes, 46 anyos, residente ng bayan ng Calape, nang dumaan sa tulay sa Barangay Alegria.
Kagagaling lamang ni Paredes sa Barangay De La Paz, Cortes at patungong bayan ng Alicia nang gumuho ang tulay, pasado ala syete kahapon.
Inihayag naman ni Provincial Engineer Camilo Gasatan na overloading ang dahilan nang pag-collapse ng Borja Bridge.
Aabot lamang anya sa 20 tons ang limit nito pero umabot sa 46.4 tons ang bigat ng truck na dumaan.
Samantala, hindi pa inaalis ang truck sa naturang lugar at nakatakda itong hilahin gamit ang heavy equipment ngayong araw.