Aabot pa sa higit 120,000 na mga healthcare workers at iba pang frontliners ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang One COVID-19 Allowance (OCA).
Ayon kay Department of Health Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega, mula sa 526,727 healthcare workers, nasa 400,000 pa lamang dito ang nakatanggap ng OCA.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan na raw ang DOH sa Private Hospitals Association Philippines (PHAPI) para sa listahan ng mga ospital para sa koordinasyon at matugunan na ito agad.
Matatandaang naglaan ng P7.92 billion budget ang Department of Budget and Management sa mga pribado at pampublikong ospital para sa kanilang healthcare workers at non-healthcare workers.
Sa nasabing halaga, tutukuyin sa mga ito ang high risk sa viral disease na bibigyan ng P9,000; P6,000 sa medium risk at P3,000 para sa low risk.