Aabot na sa 400,000 healthcare workers at iba pang personnel na kasama sa pagtugon sa pandemya ang nakatanggap na ng One COVID-19 Allowance (OCA).
Tugon ito ng Department of Health sa pahayag ni Private Hospitals Association Philippines President, Dr. Jose Rene de Grano na ang karamihan sa mga healthcare worker sa pribadong ospital ay hindi pa nakatatanggap ng kanilang OCA.
Nasa 126,000 naman mula sa kalahating milyong healthcare workers ang hindi pa nakatatanggap ng OCA mula sa Department of Budget and Management.
Tiniyak ni health undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega na nakikipag-ugnayan na sila sa PHAPI hinggil sa listahan ng mga ospital na pinag-ta-trabahuhan ng mga health worker na hindi pa tumatanggap ng OCA.
Kahit anya magpalit na ng administrasyon ay makatitiyak ang mga health worker na matatanggap nila ang benepisyo.
Una nang naglaan ang DBM ng P7.92-B budget para sa COVID-19 allowance ng mga pampubliko at pribadong healthcare worker at non-healthcare worker.