Muling nagpaalala sa publiko ang Malacañang hinggil sa pagsunod sa health protocols sa gitna ng uptick o muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential spokesperson at Communication Secretary Martin Andanar, hindi lang ang Pilipinas ang nakakaranas ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 kundi ang buong mundo.
Iginiit ni Andanar na sa kabila ng mas maluwag na restriksiyon, dapat ipagpatuloy ng mga Pilipino ang pagpapanatili sa malusog na pangangatawan, paghuhugas ng kamay, tamang pagsusuot ng face mask, iwasan ang pagpunta sa matataong lugar dahil nananatili parin ang COVID-19.
Iminungkahi rin ng kalihim na ugaliin pa rin ang pagkain ng tama, pag inom ng bitamina, at pagkakaroon ng sapat na oras sa pagtulog.
Una nang sinabi ng Department of Health na kailangan paring maging maingat ng publiko kahit pa hindi maituturing na surge ang naitatalang pagtaas ng bilang ng nakakahawang sakit sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.