Iginiit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nakasalalay sa susunod na administrasyon ang pagpapalawig umano ng libreng sakay program para sa mga commuters sa gitna ng mataas na presyo ng langis.
Ayon kay Maria Kristina Cassion, Executive Director ng LTFRB, karamihan sa libreng sakay program ng pamahalaan ay magtatapos na sa Hunyo a-30 partikular na ang MRT-3 kasabay ng pagtatapos din ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Cassion na alam nila ang naging benepisyo ng nasabing programa sa mga pasahero na patuloy sa pagtitipid dahil sa mataas na presyo ng langis at mga pangunahing bilihin sa merkado.
Inihayag ni Cassion na sakaling palawigin ang libreng sakay, kailangan nila ng milyun-milyong pondo para matugunan ang hiling ng mga mananakay.
Sa ngayon, patuloy pang pinag-aaralan ng ahensya ang mga fare hike petition mula sa iba’t-ibang grupo ng pampublikong transportasyon.