Nanindigan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa naging pasya ng National Security Council at National Telecommunications Commission na i-block ang websites ng affiliated groups at front organizations ng NDF-CPP-NPA.
Inihayag ni DILG Undersecretary at NTF-ELCAC Spokesman Jonathan Malaya na ang ligal na basehan para higpitan ang mga nasabing website ay alinsunod sa R.A. 11479 o “Anti-Terrorism Act of 2020” partikular na ang first paragraph ng section 2.
Sa ilalim ng Section 2, declaration of policy, tungkulin ng estado na protektahan ang buhay, karapatan at ari-arian laban sa terorismo at kundenahin ito bilang peligroso sa national security ng bansa at mga mamamayan.
Maaari naman anyang magbigay ng argumento ang mga apektado at sabihing isa lamang uri ng pagsikil sa kalayaan sa pagpapahayag ang pag-block sa websites.
Gayunman, iginiit ni Malaya na hindi ito maaaring idahilan sapagkat hindi naman “absolute” ang freedom of speech.