Nasawi ang apat na mangingisda habang patuloy pang pinaghahanap ng mga rescuer ang isa pa makaraang tumaob ang sinasakyang fishing boat sa karagatang sakop ng Mariveles, Bataan.
Base sa impormasyong nakuha ng mga otoridad, sakay ng nasabing bangka ang nasa 49 na mangingisda mula sa Nasugbu, Batangas noong Hunyo a-22.
Napag-alaman na sinalubong ang mga ito ng alon dahil sa malakas na ulan at hangin dahilan para tumaob ang sinasakyan nilang bangka.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang pangalan ng mga nasawi maging ang pagkakakilanlan sa isa pang nawawalang mangingisda.
Dahil dito nagpaalala ang mga otoridad na iwasang pumalaot o maglayag kapag masama ang panahon upang hindi na maulit pa ang naganap na insidente.