Umabot na sa 848 ang bagong COVID-19 cases ang naitala ng Department of Health, kahapon.
Ito na sa ngayon ang pinaka-mataas na daily tally sa nakalipas na mahigit tatlong buwan o simula noong Marso 6, 2022.
Ayon sa DOH, sa karagdagang mga kaso, 397 ay mula sa Metro Manila.
Hanggang kahapon, sumampa na sa 6,761 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa kaya’t sumirit na sa 3,700,876 ang total cases.
Kabilang na rito ang 3,633,597 recoveries at 60,518 death toll matapos madagdagan ng 11 panibagong namatay.
Nangunguna pa rin ang National Capital Region sa mga rehiyong may pinaka-maraming bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo na 3,701; na sinundan ng Calabarzon, 1,302 at Central Luzon, 650.