Isa ang patay habang nasa 160 katao ang nailigtas, kabilang ang 15 nagtamo ng minor injuries mula sa nasunog na Motor Banca sa karagatan ng Bohol.
Kinilala ng Philippine Coast Guard ang nasawing si Adolfo Rañola, 53 anyos at residente ng Trinidad, Bohol.
Ayon sa PCG, hindi pa malinaw kung si Rañola ay pasahero o crew member ng M-B Mama Mary-Chloe.
Binabaybay ng naturang passenger vessel ang karagatan ng Bohol nang sumiklab ang apoy, kahapon.
Patungo sanang Bato, Leyte ang nasabing bangka mula sa Bayan ng Ubay nang maganap ang aksidente malapit sa mga isla ng tugas at Tilmobo sa bayan ng president Carlos Garcia, Bohol, dakong ala-1:00 ng hapon.
Hindi naman overloaded ang M-B Mama Mary-Chloe na mayroong carrying capacity na 236 passengers.
Inaalam na ng mga otoridad ang sanhi ng sunog.