Inihayag ng Federation of Free Workers (FFW) na ang mga contractual workers ang pinaka-stress na laborers sa bansa.
Ito ay kasunod ng “State of the Global Workplace: 2020 Report” ng Gallup Survey, isang global analytics at advice firm na nagsasabing pinaka-stress sa buong Southeast Asia ang mga Pilipinong manggagawa.
Ayon kay FFW Vice President Julius Cainglet, wala umanong katumbas ang stress na nabubuo sa loob ng apat na buwan sa kakaisip ng mga contractual workers kung magpapatuloy pa ang kanilang trabaho dahil umiiwas ang ilang employer sa regularisasyon.
Sa ilalim ng Labor Code, otomatikong magiging regular ang isang empleyado na naabot ang anim na buwan sa isang kumpanya sa isang taon.
Tinawag din ni Cainglet na “very alarming” ang sitwasyon at “unhealthy” para sa mga manggagawang pilipino.
Kasunod naman ng sanhi ng stress ng mga empleyadong pinoy ang mababang sahod, pagdami ng workload, mabigat na daloy ng trapiko at ang pandemya.
Nabatid na sumunod sa Pilipinas sa pinakamaraming stress sa trabaho ang Thailand, Cambodia, Myanmar, Vietnam, Singapore, Laos, Malaysia at Indonesia.