Igagalang ng Philippine National Police ang karapatan ng mga magkakasa ng kilos protesta sa mismong araw ng inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Hunyo a-30.
Ito ay kung restespetuhin din nila ang karapatan ng ibang mga mamamayan sa kapayapaan at kaayusan.
Paalala ito ni PNP Director for Operations Police Major General Valeriano de Leon, kasabay ng pagbibigay diin na mandato ng PNP na siguraduhin na hindi makaka-abala sa ibang tao ang pagpapahayag ng saloobin ng mga grupong may lehitimong hinaing.
Pinayuhan din ni de Leon ang mga magsasagawa ng kilos protesta na huwag nang magpumilit na lumapit sa National Museum inauguration site, dahil mayroon na aniyang mga freedom park tulad ng Plaza Miranda, Plaza Dilao, at Liwasang Bonifacio.
Malaya aniya silang magtipon dito na wala nang permit, pero mayroong mga naka-deploy na Civil Disturbance Management Units para pigilan sila kung magtatangkang lumabas sa kanilang “designated area”.
Pakiusap ni de Leon, may mga dayuhang bisita sa aktibidad at nanonood ang buong mundo sa makasaysayang kaganapan, kaya sana ay panatilihing maayos at mapayapa ang pagpapahayag ng saloobin.