Tiniyak ng MMDA na nananatiling “manageable” ang sitwasyon ng daloy ng trapiko sa EDSA-Kamuning service road sa kabila ng isang buwang pagsasara ng flyover, simula noong Sabado, June 25.
Ito, ayon kay MMDA chairman Romando Artes, ay batay sa kanilang initial assessment matapos nilang ma-monitor ang traffic situation sa EDSA southbound.
Mayroon anyang apat na alternatibong rutang itinalaga para sa mga motorista.
Ang mga sasakyang nagmumula sa EDSA Southbound ay maaaring kumanan sa Mother Ignacia Avenue, Panay Avenue, Scout Albano o Scout Borromeo na maaari ring daanan ng mga rider at biker para sa kanilang kaligtasan.
Batay sa vehicle traffic count ng MMDA traffic engineering center noong Mayo, aabot sa 109,000 vehicles per day ang dumaraan sa EDSA-Kamuning, kung saan 57,354 vehicles ang bumabagtas sa flyover habang 51,770 vehicles sa service road.
Taong 1992 nang itayo ang flyover at noon namang 1994 ito ni-retrofit pero dahil sa dami ng dumaraang sasakyan na umaabot sa 140,000 kada araw bago ang COVID-19 pandemic, unti-unting humihina ang naturang istruktura.