Pinuri ni Philippine National Police Director for Operations Police Major General Valeriano De Leon ang lahat ng mga tauhan nito na naging bahagi para tiyakin ang seguridad sa naganap na inagurasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahapon.
Nagpahayag din si De Leon ng pagpuri at pasasalamat sa mga sundalo, tauhan ng Philippine Coast Guard(PCG), Bureau of Jail Management and Penology(BJMP), Bureau of Fire Protection, Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Health(DOH) at iba pang mula sa ahensya ng gobyerno.
Aniya, tunay na nagiging maayos ang lahat kung pinagplanuhan nang mabuti ang isang bagay.
Nabatid na naging mapayapa, maayos at matagumpay ang inagurasyon ni President Marcos Jr.
Sinabi pa ni De Leon na nasa 15,000 mga pulis, sundalo at ibang miyembro ng law enforcement at National and Local Government ang idineploy para tiyakin ang seguridad sa inagurasyon na dinaluhan ng VIPs at panauhin mula sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.
Pinuri rin ni De Leon ang mga leader, organizer at miyembro ng iba’t ibang grupo na nagkasa ng protesta sa mapayapang pamamaraan.
Nabatid na humigit-kumulang 1,000 ang mga nagprotesta sa Plaza Miranda.
Umabot naman sa 5,000 taga-suporta ni President Marcos Jr. ang dumalo para masaksihan ang panunumpa nito sa public viewing area sa golf course sa harap ng National Museum.