Inimbitahan ni Chilean President Michelle Bachelet si Pangulong Benigno Aquino III na bumisita sa kanilang bansa.
Ipinarating ni Bachelet ang kanyang paanyaya sa inialay sa kanyang state luncheon ng Presidente sa Rizal hall ng Malacañang.
Sa kanyang toast, sinabi ni Bachelet na bagamat pinaghihiwalay ang Pilipinas at Chile ng Pacific Ocean, pinag-iisa ang 2 bansa ng karanasan nito bilang parehong nasa tinatawag na “Ring of Fire”.
Dahil dito, mahalaga aniya ang pakikipag-ugnayan at kooperasyon ng dalawang bansa sa panahon ng kalamidad na isa pangunahing layunin ng kanyang pagbisita sa Pilipinas.
Una rito, naging mainit ang pagtanggap ni Pangulong Noynoy Aquino sa bumibisitang presidente ng Chile na si Michelle Bachelet kaugnay sa dalawang araw na state visit nito sa bansa.
Binigyan ng arrival honors si President Bachelet na sinundan ng expanded bilateral meeting nila ng Pangulo.
Sa joint press statement ng Pangulo ng Pilipinas at ng Chilean President, kapwa tiniyak ng mga ito ang mas malalim pang ugnayan ng Pilipinas at Chile at pagpapalawak sa kalakalan.
Samantala, isang Memorandum of Understanding on Disaster Risk Reduction and Management ang nilagdaan para patatagin ang kooperasyon ng dalawang bansa para sa mga paghahanda kapag may dumarating na sakuna o kalamidad.
Isa pang kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Chile para sa joint study for free trade agreement para mapaigting pa ang palitan ng kalakal sa nabanggit na bansa.
Si Bachelet ang siyang kauna-unahang babaeng pangulo ng Chile at kauna-unahan din sa kasaysayan ng bansa na nahalal sa dalawang magkasunod na termino.
By Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23)