Ibinasura ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mungkahi ng kanyang gabinete na magbawas ng mga kawani para makatipid ang gobyerno.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo, ipinresenta sa pangulo sa unang cabinet meeting ang ideya na magbawas ng tao sa gobyerno upang mabawasan din ang gastusin subalit ibinasura ito ng punong ehekutibo.
Aniya binigyang diin ni Pangulong Marcos na hindi niya gustong mawalan ng trabaho ang mga tao sa mga panahong ito.
Samantala, sinabi naman ni Solicitor General Menardo Guevarra na alam ng presidente ang mga isyung kinakaharap ng bansa at maayos nitong nagampanan ang diskusyon sa nasabing pulong.