Hinikayat ni French President Francois Hollande ang Amerika at Russia na lumahok sa pandaigdigang koalisyon upang madurog ang Islamic State.
Ginawa ni Hollande ang pahayag ilang araw matapos ang mga pag-atake ng teroristang grupo sa Paris na ikinasawi ng mahigit 100 katao.
Ayon sa French President, ang laban nila ay para sa lahat dahil banta na sa buong mundo ang naturang Jihadist group.
Nangako si Hollande na daragdagan nito ang pondo para sa national security at palalakasin pa lalo ang batas laban sa terorismo.
Nagtungo na rin sa paris si US Secretary of State John Kerry upang mabigay-pugay sa mga nasawi sa nasabing trahedya.
Samantala, nabunyag na isa di-umanong Belgian national ang nagplano sa mga pag-atake sa France.
Sinasabing mahigit 20 katao na ang naaresto kung saan nahulihan ang mga ito ng rocket launcher at automatic weapons sa mahigit 100 pagsalakay.
Sa ulat ng Reuters, hinihinalang si Abdelhamid Abaaoud na nakabase sa Syria ang utak sa masaker sa Paris.
Maliban dito, tinutugis din umano ng mga otoridad sa Belgium ang Frenchman na si Salah Abdeslam habang ang isang kapatid nito ay nadakip na.
By Jelbert Perdez