Hinamon ng isang grupo ng mga kumyuter si Department of Transportation Secretary Jaime Bautista na sumakay ng MRT-3 sa rush hour upang malaman ang sitwasyon ng mga pasahero.
Kasunod ito ng biglaang pagbisita at pagsakay ni Bautista sa mga bagon ng tren noong Lunes kung saan, kaniyang ininspeksiyon ang mga istasyon partikular na ang Kamuning, Shaw at Taft stations.
Ayon sa The Passenger Forum Convenor Prime Morillo, maraming pasahero ang umaangal dahil sa tagal, at haba ng pila, lalo na kapag dumaragsa ang mga pasahero sa kada istasyon.
Sinabi ni Morillo, na dapat makita ng opisyal ang nararanasan sa araw-araw ng mga mananakay sa loob ng tren tuwing rush hour, o oras kung kailan dumadagsa at mas maraming sumasakay.