Nagpahayag ng suporta ang Department of Health (DOH) sa plano ng Department of Education (DepEd) na ipatupad ang full face-to-face classes sa bansa sa Nobyembre.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangan lamang tiyakin ng DepEd ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa oras na ipatupad ito.
Aniya, kung hindi talaga kakayanin ang pagkakaroon ng physical distancing sa mga classroom ay dapat masunod pa rin ang minimum public health standards.
Dagdag pa nito na gawing mandatory rin ang pagsusuot ng face mask maliban na lamang kung may mga aktibidad na kailangan itong tanggalin.
Bagama’t hindi mandatory na dapat bakunado ang mga lalahok na mag-aaral, iginiit naman ni Vergeire na dapat bakunado ang mga guro maging ang mga non-teaching personnel na makakasalamuha ng mga ito.