Iniimbestigahan na ng Commission on Human Rights (CHR) ang pamamaril umano ng isang Non-Uniformed Personnel ng PNP sa isang estudyante sa Davao City.
Naganap ang insidente sa isang bar sa kanto ng V. Mapa at J. Camus Extension Street, kung saan ilang beses na binaril ng suspek na si Marvin Rey Pepino ang 19-anyos na si Amier Mangacop.
Sa inilabas na pahayag ng CHR, kailangang malaman ang tunay na nangyari matapos maging salungat ang salaysay ng magkabilang panig sa isyu.
Nabatid na sa imbestigasyon ng Davao City Police Station, nagkaroon ng alitan sa pagitan ni Mangacop at grupo ni Pepino.
Pero iginiit ni Pepino na self-defense lamang ang nangyari dahil inatake siya ng biktima.
Pinabulaanan naman kalaunan ng pamilya ni Mangacop ang sinabi ng suspek at iginiit na mayroon nang gulo sa bar nang dumating ang biktima.
Ilan sa mga kinuwestiyon ng CHR ang pagdadala ng baril ng isang PNP-Non Uniformed Personnel sa loob ng bar.