Suportado pa rin ng National Parent-Teacher Association Philippines (PTA) ang pagpapatupad ng face-to-face classes sa susunod na pasukan, kahit patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa.
Inihayag ni PTA President Willy Rodriguez na batay sa resulta ng isinagawa nilang Online survey, 100% ng mga respondent ang nais nang ibalik ang face-to-face classes sa pribado at pampublikong paaralan.
Halos wala na rin anyang natututunan ang mga estudyante sa Online classes at apektado ang kanilang social life dahil hindi sila nakalalabas ng bahay.
Ipinunto pa ni Rodriguez na marami na rin namang mag-aaral ang bakunado na laban sa Covid-19.
Sa ngayon, hindi pa requirement ang Covid-19 vaccination sa mga estudyante para makadalo sa face-to-face classes, pero mandatory ito sa mga school personnel para makapagturo ng in-person classes sa public schools.
Samantala, iminungkahi ni Rodriguez na kung matutuloy ang face-to-face classes ay ihiwalay na lamang ang mga unvaccinated, sa mga bakunadong mag-aaral habang ang mga hindi bakunadong teacher ay maaaring magturo sa hybrid setup.