Pinababalik ng isang mambabatas ang oil price stabilization fund (OPSF) na unang nilikha umano ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon kay 1-Pacman partylist Rep. Mikee Romero, dapat ibalik ang OPSF dahil makatutulong ito sa pamahalaan para maiwasan ang madalas na pagsirit sa presyo ng langis sa bansa.
Bukod kasi sa oil products, tumataas na rin ilang mga pangunahing bilihin sa merkado maging ang peso dollar exchange rate bunsod ng nagpapatuloy na lockdown sa China dulot ng COVID-19 at nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sinabi ni Romero na huhugutin ang pondo para sa OPSF sa excise taxes na ipinapataw sa diesel, gasoline, LPG at iba pang produktong langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law upang hindi bumigat ang pasanin ng publiko.