Suportado ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga panukalang tingnan ang education curriculum ng bansa upang magbigay sa mga estudyante ng skills na kailangan sa iba’t ibang industriya at tugunan ang job mismatch.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, ang mga issue sa worker skills, competencies at paraan ng Pilipinas na mag-produce ng mga graduate ay kabilang sa mga tinalakay sa weekly cabinet meeting, kahapon.
Isa anya sa mga naging rekomendasyon ay magkaroon ng reporma sa kasalukuyang curriculum lalo’t naging banta sa maraming trabaho ang automation.
Ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa kanyang gabinete na dapat magkaroon ng improvement sa basic education skills at knowledge upang maihanda ang mga estudyante sa mas mataas na lebel ng pag-aaral.
Sa panig naman ni Trade Secretary Alfredo Pascual, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pag-review sa basic at tertiary education ng bansa.
Dapat anyang magkaroon ng basic skills ang mga mag-aaral kaya’t puspusan na ang Department of Trade and Industry sa pagtulong sa mga pamantasan na bumuo ng Micro-Credentialing Systems upang makasabay sa mabilis na technological advancements.
Bukod dito, inirekomenda rin ng Kalihim ang pagpapadala ng mga Filipino teacher sa ibayong dagat para sa training.
Sa pagtugon naman sa job mismatch ay makikipag-ugnayan ang DTI sa Department of Education, Commission on Higher Education at TESDA para sa skills development, re-skilling at upskilling ng workforce sa pamamagitan ng Philippine Skills Framework.