Pursigido ang pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na resolbahin ang mga problemang bumabalot sa EDSA Bus carousel.
Tiniyak ito ni LTFRB chairperson, Atty. Cheloy Garafil matapos siyang sumakay sa Edsa Carousel mula Monumento, Caloocan City hanggang PITX, Parañaque City, kahapon.
Dakong ala-7 ng umaga nang sumakay ng bus sina Garafil kasama ang ilan pang opisyal ng ahensya upang maranasan ang araw-araw na pinagdaraanan ng mga commuter, lalo kapag rush hour.
Ayon kay Garafil, natuklasan nila ang ilang issue sa pagsakay sa bus carousel kaya’t gusto nilang ayusin ang mga ito upang maging seamless ang biyahe at makita ang viability ng ruta.
Kasalukuyan na rin anya silang bumubuo ng road rationalization plan, sa gitna na rin ng pagbabalik ng in-person classes.
Samantala, nakikipag-usap na ang LTFRB sa iba’t ibang transport groups upang matugunan ang kanilang mga concern sabay pagtiyak na laging bukas ang tanggapan ng ahensya sa anumang reklamo o suhestyon ng mga nasa sektor ng transportasyon.