Nagbabala ang Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa mga opisyal at kawani na iligal na gumagamit ng sirena at blinkers.
Sa pahayag ni HPG Director Brig. Gen. Rommel Francisco Marbil, tanging ang mga sasakyan lamang ng gobyerno na mayroong mga marka ang papayagang gumamit ng mga sirena at blinkers kabilang na ang limang pinakamataas na pinuno ng bansa partikular na ang Presidente, Bise-Presidente, Pangulo ng Senado, speaker ng Kamara at punong mahistrado ng Korte Suprema.
Kasama din sa maaaring gumamit ng mga sirena at blinkers ang mga miyembro ng militar, pulisya at ambulansya.
Ayon sa PNP-HPG, ang sinumang mahuhuling lalabag o iligal na gumagamit ng sirena at blinker ay posibleng maharap sa parusa at pagmumultahin kahit pa ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan.
Sa ngayon umabot na sa isangdaan at pitumput siyam na blinkers at sirena ang nakumpiska ng hpg sa dalawang linggong intensified crackdown sa paggamit ng “wang-wang” nationwide.