Nagdagsaan na ang daan-daang bakasyunista sa mga terminal ng bus sa bahagi ng Cubao, Quezon City bilang pagsisimula ng exodus o pag-uuwian sa mga lalawigan.
Sa paglilibot ng DWIZ patrol, tanghali pa lamang nang magsimulang mapuno ang mga bumibiyaheng bus na karamiha’y patungong norte.
Ayon sa ilang mananakay, kanila nang susulitin ang bakasyon hanggang sa Lunes ng susunod na linggo dahil mas nanaisin pa nilang manatili na lamang sa mga lalawigan kaysa magtiyaga sa matinding trapik sa Kamaynilaan.
Kapansin-pansin din ang pagkawala ng mga miyembro ng PNP Highway Patrol Group na siya sanang tutulong sa pagmamando ng trapiko sa mga kalsada gayundin ang pagtitiyak sa seguridad ng mga mananakay.
Una nang idineklarang holiday ng Malakaniyang ang Nobyembre 18 at 19 kasunod pa rin ng APEC Summit.
By Jaymark Dagala | Jill Resontoc (Patrol 7)