Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Transportation na muling pag-usapan ang loan agreements para sa tatlong proyekto ng riles upang makakuha ng investment sa rail transport sector.
Kabilang sa nasabing proyekto ang Subic-Clark Railway project, Philippine National Railways South Long-Haul project (PNR) Bicol express at Davao-Digos segment ng Mindanao railway project (MRP).
Ayon kay DOTr Undersecretary for railways Cesar Chavez, popondohan ng Official Development Assistance (ODA) ng China ang mga proyekto sa pamamagitan ng loan agreement sa pagitan ng Pilipinas at nasabing bansa.
Paliwanag ni Chavez, ang P142-B contract ng PNR Bicol express ay na-award sa Joint Venture of China Railway Group Ltd., China railway No.3 Engineering Group Co. Ltd at China Railway Engineering Consulting Group Co.Ltd noong Enero.
Bigo namang maipagpatuloy ang 83 billion pesos Tagum-Davao-Digos segment ng MRP matapos na hindi makapagsumite ang China ng shortlist ng mga contractor para sa design-build contract nito.
Habang sa China Harbour Engineering Co. inaward ang konstruksyon ng 51 billion pesos Subic-Clark railway project noong Disyembre 2020.
Nilinaw naman ni Chavez na ang mga loan agreement para sa naturang railway projects ay ikinonsidera ngayong “withdrawn” matapos mabigong kumilos ang Chinese government sa mga kahilingan sa funding request ng Duterte administration.
Aniya, ang negosasyon para sa tatlong proyekto ay nagsimula noong 2018 at inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) para makatanggap ng ODA loan mula sa China.
Dagdag pa ni Chavez na inabisuhan ng Department of Finance ang China Eximbank na ang isinumiteng loan application ay valid lamang hanggang May 31, 2022 at awtomatikong babawiin kung hindi maaprubahan.
Samantala, kabilang sa funding option na ikinokonsidera ni Chavez para mga nabanggit na proyekto ang Public-Private-Partnership (PPP).