Nanindigan ang Malaysian State Oil Company Petronas na dedepensahan nito ang kanilang legal na posisyon makaraang tangkaing i-sequester ang dalawa sa kanilang subsidiaries sa Luxembourg.
Ang units ng Petronas Azerbaijan at Petronas South Caucasus ay nakatakda na sanang bawiin ng mga abogado ng mga tagapagmana ni Sultan Jamalul Kiram II, ang kahuli-hulihang sultan ng Sulu.
Ito’y makaraang ipag-utos ng French Arbitration Court noong Pebrero sa Malaysia na magbayad ng 14.9 billion dollars sa mga heredero o heredera ng huling Sultan ng Sulu, bilang pagkilala sa nilagdaang land lease sa Sabah sa isang British trading company noong 1878.
Ang nasabing kasunduan ay minana ng Malaysia nang makalaya ito sa pananakop ng Britanya at kalauna’y nagbabayad ng taunang renta para sa paggamit sa lupain ng Sabah na pag-aari ng Sultan.
Gayunman, itinigil ang pagbabayad simula noong 2013, dahil sa argumento ng Malaysian government na wala umanong may karapatan sa Sabah, sapagkat bahagi umano ito ng teritoryo nila.
Iginiit ni Malaysian prime minister Ismail Sabri Yaakob na sasalagin nila ang naging desisyon ng French court at hindi nila papayagan ang anumang claim sa Sabah.
Tinawag naman ng Petronas na walang basehan ang seizure o pagbawi ng mga tagapagmana ng Sultan sa nasabing assets, at handa rin ang nasabing state oil company na ipagtanggol ang kanilang karapatan.