Inihain na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga kaso laban sa isang indibidwal o Tiktoker na nag-post ng video sa social media na sinusunog ang isang 20 pesos banknote.
Ayon kay BSP Strategic Communication and Advocacy Managing Director Antonio “Tony” Lambino II, nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine National Police (PNP) ukol sa naturang usapin.
Sinabi naman ni BSP Senior Investigation Officer Attorney Mark Fajardo na burado na ang naturang video matapos na makatanggap ng iba’t-ibang komento mula sa mga netizen.
Aniya, natunton na rin nila ang lokasyon ng nag-upload ng nasabing video.
Sa ilalim ng Presidential Decree 247 na nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1973, sinasabi rito na ang pagsira, pagpunit o pagsunog sa banknotes at barya ay isang ilegal na hakbang.
Samantala, nakasaad rin sa batas na ang sinumang lalabag ay paparusahan ng multang hindi hihigit sa P20,000 o pagkakulong ng hindi hihigit sa limang taon.