Nirerepaso na ng Department of Education (DepEd) ang usapin sa K to 12 program ng mga mag-aaral.
Kasunod ito ng ikinasang Pulse Asia Survey kung saan lumilitaw na 44% ng mga pinoy ang “dissatisfied” o hindi nasisiyahan sa K-12 system ng pamahalaan na mas mataas sa 28% dissatisfaction rate noong 2019 survey.
Tiwala si DepEd Undersecretary Epimaco Densing, na maisasapinal o matatapos at makapagmumungkahi ng mga bagong plano ang kanilang ahensya sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Densing, ipinag-utos ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte-Carpio na repasuhin ang programang kindergarten hanggang grade 10 at magsagawa ng pagre-review sa grades 11 at 12.
Naniniwala si Densing na dapat maituro o magamit ng mga batang nasa kindergarten ang wikang ingles sa halip na mother tongue o ang sariling wika.
Sa ilalim ng K-12 law, ang mother tongue o sariling wika ang dapat na gamiting medium of instruction mula kindergarten hanggang grade 3.
Bukod pa dito, plano din ng ahensya na magkaroon ng mahabang training ang mga guro sa halip na isang linggong seminar lamang.