3 ang patay habang 4 ang sugatan sa salpukan ng tricycle at van sa Maharlika Highway sa San Miguel, Bulacan.
Kinilala ang mga nasawi na sina AJ Maniquiz, 5 taon; Miguel Maniquiz, 7 taon at kanilang nanay na si Monica Ramos, 29 na taon.
Ayon kay Bulacan Provincial Police Director Col. Charlie Cabradilla, dead on arrival na sa San Miguel District Hospital ang magkapatid habang sa PJG Hospital sa Cabanatuan City, Nueva Ecija binawian ng buhay si Monica.
Sugatan naman ang trese anyos na driver ng tricycle at tatlong iba pa, kabilang ang isang taong gulang na lalaki.
Patungo sana ang mga biktima sa isang vaccination site nang salpukin ng van ang kanilang tricycle sa barangay Buliran, kahapon.
Batay sa imbestigasyon, tinangkang umiwas ng menor de edad na trike driver sa isa pang sasakyan na sinubukang mag-overtake bago naganap ang aksidente.
Agad namang naaresto ang van driver, na si Angelo Paras, sisenta’y uno anyos, ng San Leonardo, Nueva Ecija at nahaharap na sa mga kasong homicide at multiple serious injuries at reckless imprudence and damage to properties.
Inihayag naman ni San Miguel Police Chief Col. Jason San Pedro na ang nasabing aksidente ay dapat magsilbing paalala sa publiko na huwag payagang magmaneho ng mga sasakyan ang mga menor de edad.