Walang nakikitang dahilan ang gobyerno para panagutin ang mga tinanggal o tatanggalin sa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo, hindi magiging criminally liable ang mga ito gayung kung tutuusin ay graduate lang sila na maituturing.
Ang kanilang pagkakatanggal ay dahil na rin sa naging pag-angat na ng kanilang buhay, nagkaroon na ng hanapbuhay ang ama o ina ng tahanan o di kaya ay nakatapos na ang ilang mga anak sa senior high.
Aniya, kapag ganito ang lumabas sa kanilang pagsisiyasat ay tsaka lang aalisin sa listahan at maika-classify mula sa poor patungo sa non-poor.
Dagdag pa ng kalihim, hindi rin naman ura-urada ang kanilang gagawing pagtatanggal sa mga ito sa list of beneficiaries at sa halip ay magbibigay sila ng sapat na panahon upang mabigyan ng abiso ang mga apektadong pamilya.