Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na sumunod pa rin sa health protocols laban sa Covid-19, upang maprotektahan ang sarili kung makakapasok na ang monkeypox virus sa Pilipinas.
Inilabas ng DOH ang abiso kasunod nang pagdeklara ng World Health Organization sa monkeypox virus bilang “public health emergency of international concern.”
Ayon sa DOH, katulad ng umiiral na minimum public health standards laban sa Covid-19, nakatutulong din laban sa pagkahawa sa monkeypox virus ang pagsusuot ng face mask, pananatiling malinis ang mga kamay at social distancing.
Binigyang-diin naman ng DOH ang pagiging mabisa ng smallpox vaccine laban sa monkeypox virus na lumabas na 85% na epektibo.
Sa ngayon, bagaman wala pang kaso ng monkeypox sa Pilipinas, tiniyak ng kagawaran na handa sila sakaling tuluyan nang makapasok ang sakit sa bansa.